May Paalam Ba Na Di Masakit?

Death by Sadness

Yung di tutulo luha mo at di masisira ang kolorete sa mata kasi naghanda ka naman sa pagtatagpong ito.  Masama kung di waterproof ang nilagay … may itim na kasama pag luha mo … baka akala pa niya kulay ng budhi mo yun.

Yung kahit magsasalita ka ng mga linyang sinulat, inaral at sinanay sa harap ng salamin ay di maiiwan sa lalamunan mo ang mga salitang gustong sabihin. Yung di ka parang nabubulunan at tuloy tuloy at swabe kang magsasalita. 

Yung di ka parang binabayo sa dibdib at kulang na lang atakehin ka sa puso dahil sa sakit.  Akala ko nga noon tayutay lang ang “masakit ang puso ko” … totoo pala … pisikal na sakit din pala yun .

Nakailang pamamaalam na ba ako ? Di na mabilang sa dami … di ba dapat sanay na? Di ba dapat praktisado na? Di ba dapat di na mahirap? Pero kahit kailan walang pamamaalam na parehong pareho ng sitwatsyon.  Magkaiba lagi … magkaiba ng sakit … magkaiba sa lahat ng aspeto. Kaya di kailanman magiging handa ang puso at isip. Walang paraan para mamanhid ang pandama.  Sana nga meron … pero wala, wala. 

Bakit kailangan magpaalam ?  Pwede namang nandiyan lang.  Pero baka mas mabuti na wala na lang. Daming dahilan … paglipat, pagkamatay, walang puntahan, wala nang nararamdaman, gamitan. Kahit ano pa yan … dumadating yan . Sa bawa’t pagkakataon … may iba’t-ibang uri ng sakit.

May pamamaalam na di gaanong masakit kasi alam mo babalik naman … pero may kirot pa din , may kinukuha pa ding lakas sa pagkatao mo ng isang di makitang puwersa.  Marami na ngang paraan para di maramdaman ang pagkawala dala ng teknolohiya pero iba pa din ang personal … ang nandiyan lang.

May pamamaalam na haplit … ultimo , pangwakas , katapusan . Pag namatay ang mahal sa buhay o di man maibabalik ang dating pagtingin. Ito na yata ang isa sa pinakamasakit. Maaring magkunwaring bukas uuwi din o tatawag din … pero nakaharap sa kawalan …nakatambad ang isang nakakabinging katahimikan. Ito ang ayaw nating mangyari … ang mabingi sa walang naririnig. Akala mo panaginip lang pero paggising mo … wala na nga pala. Ang sakit … di mo na mahawakan, di mo makausap … gusto mong awayin dahil iniwan ka pero paano?

May pamamaalam na ginagawa dahil kailangan.  Dahil walang pupuntahan, walang kayang ibigay o walang nang maramdaman. At dahil kahit ulit-ulitin ang istorya – pareho pa din ang wakas … wala pa din. Pero tao lang , laging gustong magbakasakali … baka naman pag inulit , mas maganda na ang konklusyon. Masuwerte kung ganun pero mas madalas sa hindi – pareho pa din.  Pinilit namang gumana , umayos … pero may mga bagay na di angkop. Laging dahilan … ang mga bata.  Tama naman … tama nga ba?

May pamamaalam dahil mali ang mga bagay na nakaikot sa paraiso ninyo.  Marami masasaktan at magagalusan.  Sa aspetong ito maraming makakaugnay.  Ito ay lihim na tinatago sa mga matang mapagmasid. Ngunit huwag humusga. Baka kailangan lang pera kagaya ni Sari o nagmahal talaga kagaya ni Kara. Mali pa din … pero sino tayo para maghagis ng unang bato?  

May pamamaalam na nawala na pala … hindi mo pa alam. Nawala na lang na parang bula.  Kala mo nandiyan pa … pero wala na pala.  Mahirap umasa pero may mga taong sadyang nagpapa-asa … maaring takot sa paghaharap o di alam ang sasabihin.  Naiwan ka nakabitin sa hangin … tapos magugulat ka na lang sa iyong pagbagsak.  Nagtaka ka pa … ano nangyari?  Pagtingin mo sa paligid mag-isa ka na lang pala .

May nawawala at kahit ano pa ang gawin … ayaw na talaga.  Para kang kumakausap sa hangin … ni hindi sumasagot sa tawag at sulat.  Aalis na lang … walang paalam … magugulat ka pa. Ito ay di nagpapa asa … ito ay nakalimutan lang na dapat ay may “karaniwang kagandahang-loob o kortisiya” sa taong hindi ka naman ginawan ng masama. Maaaring makasalubong mo pag naglalakad ka at ikaw na mismo ay maiilang kasi wala kang alam na pinag ugatan ng paglayo. Iba ang sakit na dulot nito kaysa sa karaniwang sakit na dulot ng salita o pisikal na paraan.  Mas masakit ba ito?  Oo … kasi nga walang pagtatapos … walang pagsasara.  May mga taong naniniwala kasi na pag wala nito … pwede bumalik sa pagdating ng panahon … pwede naman sabihin yon … kaysa ganito. Di karapat dapat para sa taong naging mabuti naman sa iyo o napasaya ang malungkot mong buhay na tratuhin ng ganito. Binura ka sa buhay niya ng ganoon na lang. Nakakalungkot pero may mga taong sadyang ganito.

May pamamaalam na umalis ka na … di pa niya alam.  Di nya naramdaman na wala ka na.  Di ka naman kasi mahalaga … mabubuhay siya ng maligaya kahit wala ka.  Pero ikaw sobra ka sa damdamin … iyak, di makakain, di makatulog.  Siya tuloy ang masayang buhay.  Buting umalis ka na lang … di ka naman pala hahanapin.  Sana laging ganun … may nagpapaalam pero wala lang sa yo …

May pamamaalam na dapat gawin kasi naggagamitan lang kayo. Baka maubos ka … kawawa ka naman.  Pwedeng akala mo meron pero laging may katumbas na salapi and bawat kabutihan na dulot niya.  Kung bigyan ka man ng isang bagay … isipin mo baka mas madami ka naibigay.  Nung minsan kang bigyan , akala mo soulmate mo na siya. Pero sige pagbigyan ang mga ilusyong ito … ikakasaya mo naman yata – yun nga lang di libre. May mga taong may kapasidad na magpaikot ng mga damdaming ganito para sa kanyang ikakabuti o minsan ikakabuhay.  Ito ay bayad sa panandaliang saya at tuwa … sa pagkabuhay ng isang istoryang sa panaginip mo lang binuo.  Bakit hindi?  Di naman kayang tumbasan ng ibang tao ang kaligayahang dulot niya di ba? Pero sa bandang huli, dapat magpaalam lalo na pag nagpapabayad lang pala.

May pamamaalam nga na magugulat ka pa at masakit pala.  Kasi sanay ka na nandiyan lang siya. Kampante na di aalis .  Kadalasan ay pinagwawalang bahala.  Alam mong kayang kaya mong amuin at ayos na ulit. Ito ang pinanakakagitla sa lahat … mawala ang dapat sa iyo na.

Sa kahuli-hulihan … paano magpaalam nang di masakit?  Walang ganoon … may paalam pa nga na pati langit lumuluha … pag umuulan.   Lagyan ka pa ng saliw ng tugtog na pamamaalam … lalo ka na halos alisan ng bait.  Yayakapin ka at sasabihin … ” may taong mas bagay sa yo / di ko kaya ibigay ang gusto mo/ ako ang may problema, di ikaw/kailangan ko ng puwang” … paano kung ikaw nga ang gusto? Marunong ka pa sa may katawan … pero ito di mo mapipilit, kalokohan man ang sinasabi niya. Ang ipanalangin mo na lang mapagtanto niyang wala na palang hihigit sa pagmamahal mo … at mangyari ito sa panahong di pa huli ang lahat. 

Mahirap magbago ng nakagawian na … mahirap pag siya lang ang gusto umalis at di naman ikaw … mahirap makaramdam ng pangungulila … pero baka sa umpisa lang … makakabawi din. Malilimutan din ang mga salitang binitiwan … alaalang naiwan. Kaya? Baka may mga araw na ganun pero sigurado ako may mga araw na nakatulala ka at iniisip na nakatingin din siya sa bituing tinitignan mo. Lalo na pag dapit hapon at umuulan … 

Pag nakarinig ka ng kantang alam mong sa panahon niya ay ginusto ninyo pareho … may kirot pa din yun.  May partikular na oras ng bawa’t araw na sanay ka na siya ang kausap … at wala na nga … paano na? May lugar na nilakaran ng inyong mga paa … mga bagay na parehong kinaaliwan … Minsan pag masaya ka … maaaring magkamali at tawagan siya para ibahagi ang magandang balita at kung may pangit ganun din … pero nung idayal mo … wala na pala o ayaw sagutin. Mas masakit ang ganoon.

Sa pagtatapos … walang pamamaalam na di masakit … lahat may kirot.  May pwede gumamot … pero maghihintay ka pa … baka may bago o may babalik … at pag naging mapalad ka … baka habambuhay ka na sasaya … pero may mamamatay ulit … masakit ulit .  Paikot ikot lang yan.  Pero maging matapang at bigyang pagkakataong sumaya ang puso kahit ganito ang lahat ng pagtatapos.  Kasi di naman mababayaran ang saya na madadama mo kapag ikaw ay nagmahal.

Advertisements

3 responses to “May Paalam Ba Na Di Masakit?

  1. From FB: Anthony De Jesus napakahusay — isang pahimakas na ikaw ay nagbuhat sa lalawigang tanyag sa mayamang panitikan

  2. From FB : Carol Milan Castro i love reading all your post in fb..all are interesting 🙂

  3. Pau Marie thanks for sharing

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s